Tusong employer lang ang laging panalo

    201
    0
    SHARE

    Mula nang kung sino ang nagpasimula
    Ng ‘contractual base’ sa mga manggagawa,
    Panig ng ‘employer’ lang itong sumaya
    Habang sakbibi ng lungkot ang kabila.

    Kaya kapag napapanood po natin
    Sa TV ang isang patalastas mandin
    Ng isang Senador na mapagmagaling,
    Na aniya ang ‘labor’ dapat palakasin

    At dagdag trabaho umano ang dapat
    Upang lumiit ang bilang ng mahirap,
    Yan sa ganang amin di makababawas
    Sa ‘unemployment’ na lalong tumataas.

    Ipagpalagay nang may sapat na bilang
    Ng kung anong klaseng puedeng mapasukan,
    Pero sanhi nitong palaging ‘contractual’
    Na uri ng ating pagtatrabahuhan

    Kailan at papano tayo mapipirmi
    Sa pinapasukan kung ang ‘security
    of tenure’ ng isang kawawang ‘employee’
    Ay wala naman ding katiyakan pati?

    Laban sa maraming ‘employer’ na tuso
    Na anhin na lang ay di bayaran nito
    Ang pinagpaguran nitong nagtrabaho
    Sa kanya, gayong siya’y kumita ng husto!

    Aywan lang kung anong posibleng nagtulak
    Sa kung sinong Solon na author ng batas
    Na gawing contractual ang pagpapatupad
    Ng mga bagay na sadyang di marapat.

    Na nagsilbing giya na pina-iiral
    Ng mga employer sa kasalukuyan,
    Kung saan tunay na nakapamihasnan
    Nila pati na ang grabeng panlalamang!

    Gaya halimbawa kung medyo mataas
    Na ang sahod nitong hindi naman tamad,
    Yan para lang makamenos ng pambayad
    Posibleng gawan ng bagay na di dapat.

    Upang mapatalsik at di ma-obligang
    Ma- regular ito sa posisyong tangan,
    Sanhi nga lamang ng di makatarungang
    Pamamalakad sa pasahod kung minsan.

    Na aywan kung bakit tama’t mayrun tayong
    Mga mahuhusay at batikang Solon
    Ay di n’yan mabigyan ng tamang solusyon
    Itong ‘unfair labor practice’ hanggang ngayon

    Na namamagitan sa mga ‘employer’
    At ng ‘labor sector’ (na animo’y pader
    Itong naghahati) to resolve this matter
    In such a way it could be impartial and fair.

    Na di tulad nitong ang kapitalista
    O ang employer lang ang panalo tuwina
    Sa ‘contractual base’ na pamalakad nila,
    Kaya ang ‘labor force’ talo palagi na.

    At hanggang pagtanda walang maasahang
    Anumang probetso o benepisyo riyan
    Mula sa kung sino na pinaglingkuran
    Nito ng di man lang napirmi ni minsan.

    Kasi nga, matapos makapagtrabaho
    Ng tatlo o hanggang ‘6 months’ yan ay piho
    Nang sisipain sa napasukan nito,
    Kaya papaano ma-‘regular’ ito? 

    Aba’y kung sino ka na may malasakit
    Sa panig ng ‘labor’ gumawa ka kahit
    Munting pagkilos lang para maibalik
    Sa kalagayan n’yan ang tama’t matuwid;

    Upang kahit man lang sa ganyang paraan
    Ay makatulong ka’t iyong masuklian
    Ng ika’y tunay na serbisyong pambayan
    Ang pagkatalaga sa’yo sa Batasan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here