LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Binuksan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang eksibisyon na pinamagatang ‘Mga Orihinal na Dokumento at Liham sa Panahon ng Unang Republika’ ngayong pagdiriwang ng Ika-128 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Libre itong mabibisita sa Museo ng Republika ng 1899 na nasa dating kumbento ng simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.
Sa pagbisita ni NHCP Commissioner Francis Navarro sa eksibisyon, iprinisita sa kanya ang mga piling state documents ng Unang Republika na naging bahagi ng operasyon sa simulain ng pagsasabansa ng Pilipinas.
Aniya, hindi lamang ito basta simpleng sipi o mga papel, kundi produkto ito ng pagsisikap ng mga nakipaglaban at nagsakripisyo, upang makapagpana sa mga sali’t saling lahi ng mga Pilipino ang isang Pilipinas na malaya at nagsasarili.
Pangunahin sa mga dokumentong itinampok ang mga transaksiyon ng mga unang ahensiya na naitatag sa panahon ng Unang Republika gaya ng Departamento de Interior na pinanggalingan ng kasalukuyang Department of the Interior and Local Government.

May kinalaman ang dokumentong ito sa pagbibigay ng pondo ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo para sa pagbili ng mga gamot ng mga tropang rebolusyonaryo na nakadestino sa Camiling, Tarlac.
Mayroon ding isang dokumento tungkol sa kapangyarihan ng pangulo ng Republika na makapaghirang o makapag-appoint, tulad ng paghirang sa isang district chief ng Hukbong Katihan o Philippine Army na idinestino sa Naauan sa Misamis.
Habang sa mismong Museo ng Republika 1899 ng NHCP, may permanenteng eksibisyon sa balangkas ng pinagtibay na Saligang Batas ng 1899 tulad ng pagkakatatag sa iba pang ahensiya ng Departamento de Fomento na ngayo’y magkakahiwalay na mga ahensiya ng kasalukuyang Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Department of Agriculture, at Department of Trade and Industry.
Kapansin-pansin din ang isang dokumento tungkol sa probisyon ng ‘Mga Tagubilin sa Pamamahala sa mga Bayan at Kabayanan’, na nagkukumpirma na noon pa lamang panahon ng Unang Republika ay sinisimulan nang bigyan ng otonimiya ang mga pamahalaang lokal.
Mababasa rin ang curriculum ng Unibersidad de Literaria de Filipinas na kauna-unahang state university ng bansa na itinatag at binuksan noong 1898 sa dating kumbento ng simbahan ng Barasoain.
Iba pa rito ang simulain sa pagkakaroon ng sistema ng pananalapi ng bansa na pinatotohanan ng sipi ng issuance ng bonds at isang batas na ipinasa ng Kongreso ng Malolos para makahiram ng pananalapi ang noo’y bagong republika.
Kaugnay nito, kinatigan naman ni Malolos City Mayor Christian Natividad na nagsabing pinapatunayan ng nasabing eksibisyon na taliwas sa ipinipilit ng mga mananakop, may kakayahan nang gumawa ng mga reporma at mamahala ang mga Pilipino noon pang Ika-19 na siglo.
Kaya’t makatwiran na habang tumatanda ang Republika, lalo aniyang mangangailangan ng mga matatapang upang ipagtanggol at mapanatiling malaya ang Pilipinas.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, ang pagtamo ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1898 ay nagbukas ng simulain upang maabot ng Pilipinas ang pagsasarili.
Ito ang nagbunsod upang makapagbukas ng Kongreso sa Malolos noong Setyembre 15, 1898 na nagbalangkas at nagpatibay ng Saligang Batas ng 1899 na nagbigay bias sa pagtatatag ng Unang Republika noong Enero 23, 1899.
Samantala, nanawagan naman ng pagkakaisa si Gobernador Daniel Fernando sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng Republika upang maituon nang lubos ng pamahalaan ang atensiyon sa mandato nitong paglingkuran ang bayan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



