KUNG di ng dahil d’yan, na ipinapasok
sa’ting Inangbayan nitong mga drug lords,
mayrun kayang adik at pushers na salot
ng ating lipunan na ugaling hayop?
At tulad ng sabog, na nakakaisip
manggahasa ng mga batang paslit;
Disin sana’y walang nagkalat na adik
na nagdudulot ng matinding ligalig.
Wala ring posibleng kasangkot na solon,
na sa mga drug lords nagsilbing protector;
At wala rin sanang napaslang na mayor
ang ilang pulis na nag-ala tirador?
Wala sanang mga alagad ng batas,
na pinagsagawa ng oplan galugad;
Doon sa bilibid wala sana ang SAF
Kung hindi tiwali ang ilang prison guard.
Wala sanang buhay na biglang nasayang
sa pinaigting na ‘operation tokhang’;
Wala sanang mga nagluksang magulang
asawa’t kapatid ng mga napaslang.
Wala sanang mga nasangkot na pulis,
na kagaya ng sa pwesto’y ibinalik;
Sana’y walang taong-bayang nag-iisip,
na ang impuwensya, dito ay nagamit.
Wala sanang away ngayon sa senado
dahil sa nabistong mga kontrabando,
drogang ang halaga’y bilyon-bilyong piso
sa BOC noong nakaraang Mayo.
At wala rin sanang Kian delos Santos,
batang pinaslang na disisyete anyos;
Hangga’t may tulak at hindi nauubos,
gyera kontra droga’y hindi matatapos.
Ang lahat ng ito ay dahil sa droga,
na sa ating bansa’y lubhang talamak na;
Kung ang ugat nito’y binunot noon pa
di ganyan kalala ang naging problema
Narco-politicians at mga kasabuwat
nilang mga drug lords, na nagsilbing ugat
ng drogang salot sa bansang Pilipinas,
ang kinakailanga na natin malansag.
At ya’y magagawa lang natin, kabayan
sa pamamagitan ng nagkakaisang
adhikain at damdaming makabayan,
na kasing dakila ni Gat Jose Rizal
Nang sa gayon itong aniya ay pag-asa
ng bayan sa araw ng bukas ay makuha
nating ganap silang pawang maisalba
sa napakabagsik na lason ng droga!
Marvel ‘Vhelle’ Garcia
August 26, 2017
Abu Dhabi, U.A.E.