1.
Nagiging usapin ngayon ng maraming Pilipino
ang hinggil sa Pax Silica na nais itayo rito
at ang lugar na naipili kung saan yan ipupuwesto
sa lupain na sakop ng New Clark City diumano
at dahil di pa malinaw ang detaye sa publiko
marami ng nangangamba sa nakaambang proyekto
2.
Lalo na’t may mga ulat na sa mga social media
sa magiging epekto na dulot daw ng Pax Silica
unang-unang apektado ay ang mga magsasaka
pag nawalan ng tirahan at ng lupang sinasaka
at ang isa pang bagay na nagdudulot ng pangamba
ay ang tubig at kuryenteng gagamitin ng pabrika
3.
Mantakin mo araw-araw limang milyong galong tubig
para sa cooling system na gagamiting pampalamig
dahil maselan umano paggawa ng silicon chips
hindi bagay sa mainit at kwartong mahalumigmig
dahil dito marami ang nagdududa’t nag-iisip
kapag naubos ang tubig saan pa tayo iigib?
4.
Ang depensa’t pirming sagot sa ganitong katanungan
ang gagamiting tubig ay manggagaling daw sa ulan
mayrong mga naalarma sa kanilang kasagutan
at tumugong hindi naman araw-araw umuulan
ang sabi pa kahit walang AI tayo’y mabubuhay
subalit kung walang tubig lahat tayo’y mamamatay
5.
Artificial Intelligence para saan nga ba ito?
bakit kailangan sa bansa’y magpatayo ng ganito?
dahil ang Data Center daw ayon sa mga eksperto
pagdating ng panahon ay kailangan sa buong mundo
sa dami ng mga bansa na higit na progresibo
bakit ninais ng US sa atin magtayo nito?
6.
May masamang epekto ba ito sa’ting kalikasan?
yan ang tanong ng marami nating mga kababayan
hindi ba masasakripisyo mga likas nating yaman?
sakaling magkaron ng Data Center sa’ting bayan
may banta ba ng panganib pagdating sa kalusugan?
yan ang tanong nitong mga nalilitong mamamayan
7
Tayo’y hindi tumututol sa aspeto ng pag-unlad
bilang mga mamamayan nitong bansang Pilipinas
subalit kung itong mga itatayong pasilidad
magdudulot ng panganib pagdating ng takdang oras
kaunlara’y walang saysay kung ang bansa’y manaharap
sa problemang maaari na idulot ng AI Hub
(May karugtong)



