Nais kong ipaabot ang aking buong pusong pasasalamat sa lahat ng nagpahayag ng suporta para sa aking pagnanais na tumakbo para sa Senado sa halalan sa 2013.
Sa mga kababayan ko sa Quezon at Bulacan, sa aking pamilya, mga kamag-anak, kaibigan, at kaalyansa sa iba’t ibang adbokasiya —silang mga nakasama ko sa pagmartsa at kuwentuhan habang tayo’y lumalaban para sa malinis, maayos na pamahalaang may masiglang partisipasyon ng mamamayan, kalayaan, katarungan, kapayapaan, karapatang pantao; sa lahat ng naniniwala sa balanseng pag-unland ng mga sektor ng agrikultura at industriya para makalikha ng disente at pangmatagalang hanapbuhay para sa mga mamamayan; sa lahat ng walang sawang lumalaban para sa patas na kalakalan, sa seguridad sa trabaho at panlipunang proteksyon, sa maralitang tagalungsod, sa mga katutubong Pilipino, sa mga kapatid nating Muslim, at sa kalikasan; sa iba’t-ibang business at industry chambers at mga kabataang entrepreneur; sa mga kaibigan sa media at social media na nag-endorso at naghikayat sa akin, kinikilala ko ang inyong suporta bilang pagtitiyak ng matibay na pagkakapit-bisig sa pag-angat ng mga usapin ng mamamayan at ng interes ng bayan.
Ang mga laban natin ay hindi kailanman naging madali, ngunit parati akong nakakakuha ng lakas sa ating pagpupursigi, pagkakaibigan, at pagbubuklod.
Nais kong pasalamatan ang mga kaibigan ko mula sa UNA, si Pangalawang Pangulong Jojo Binay at dating Pangulong Joseph Estrada, ang MAKABAYAN Coalition para sa kanilang pag-anyaya sa akin sa kanilang mga tiket.
Subalit, bilang isang tunay na naniniwala na tayo’y dapat magpursiging magkaroon ng matatag at maayos na mga partidong pulitikal bilang bahagi ng ating mga gawain sa pagpapaunlad ng bayan at bilang tagapagtaguyod ng reporma sa mga partidong pulitikal at kampanyang elektoral, buong galang kong tinanggihan ang inyong imbitasyon.
Bilang pangwakas, pinasasalamatan ko ang lahat ng kaibigang nakilala ko sa aking pagpunta sa mga probinsya, ang Liberal Party Youth, iba pang kasapi ng Partido Liberal, Kaya Natin at ang mga kasama ko sa Kongreso at sa Ehekutibo na isinapubliko ang kanilang pag-endorso ng aking paglahok sa halalan.
Nais kong bigyan ng natatanging pagbanggit sina Speaker Sonny Belmonte, Rep. Teddy Baguilat, at Rep. Neri Colmenares na nagbitaw ng mga mapagmalasakit na salita nitong mga nakaraang araw na ipinapakita ang kanilang pag-endorso sa aking pagtakbo bilang isa sa mga kandidato ng LP sa Senado. Sa kanila, ako’y lubus-lubos na nagpapasalamat.
Gaya nga ng nabanggit ng ating Pangulo noong unang araw ng Oktubre, totoong isinakripisyo ko ang aking sarili upang magkaroon siya ng “malayang kamay” sa pagpili ng mga sa palagay niya’y karapat-dapat na magbuo ng tiket ng administrasyon.
Matapos ang masinsinang pag-iisip at pagsasangguni sa aking pamilya, mga kaibigan, at mga taga-suporta, ako ay nakapagdesisyon na HINDI ituloy ang aking pagtakbo para sa Senado kahit bilang isang independyenteng kandidato.
Ako ay mananatiling katulong at katuwang ng lahat hinggil sa mga isyu ng mga mamamayan at aking ipinapangako na patuloy kong paglilingkuran ang taumbayan sa anumang kapasidad sa hinaharap.
Sama-sama, kaya nating ipagpatuloy ang mga pangarap at ibahagi sa isa’t isa ng ating mithiin para sa isang magandang kinabukasan para sa bayan.
Sabi nga ng yumaong Senador ng Estados Unidos na si Edward “Ted” Kennedy sa 1980 U.S. Democratic Convention: “For all those whose cares have been our concern, the work goes on, the cause endures, the hope still lives and the dream shall never die!”
Muli, sa lahat ng nagpaabot ng buong suporta at pagtitiwala, Maraming Salamat Po! Mabuhay ang Pilipinas!