Home Headlines Oplan Harabas: 200 trike drivers sumailalim sa surprise drug testing 

Oplan Harabas: 200 trike drivers sumailalim sa surprise drug testing 

346
0
SHARE

Ikinakabit ng isang tricycle driver at PDEA-Zambales agent Jigger B. Juniller ang sticker na patunay na dumaan ito sa drug testing. Kuha ni Johnny R Reblando.


 

SUBIC, Zambales — Nasorpesa ang mga tricycle drivers sa kauna-unahang random drug testing sa ilalim ng programang “Oplan Harabas” na isinagawa ng composite team sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Huwebes ng umaga sa public market dito.

Ayon kay PDEA-Zambales agent Jigger B. Juniller, ang Oplan Harabas ay isinagawa nationwide na target nito ay mga miyembro ng tricycle operators and drivers association para malaman kung ang mga drivers na tumatakbo sa kalsada ay hindi gumagamit ng illegal na droga.

“Surprise operation ito, pero kami ang nasorpresa. Ang akala namin ay tatakasan kami ng mga driver, pero sila mismo ang nag-submit sa kanilang sarili sa drug test para mapatunayan na hindi sila gumagamit ng illegal na droga,” dagdag ni Juniller.

Dumagsa sa random drug testing ang may 200 tricycle drivers. Kuha ni Johnny R. Reblando.

Kasama sa surprise drug testing ang kinatawan ng PDEA chemist na tumatanggap sa urine specimen ng bawat driver at kaagad malalaman ito ang resulta kung ito ay positive o negative batay sa screening test.

Sinabi ni Juniller na kung ang isang driver ay mapo-positibo sa drug test, kukumpiskahin ng Land Transportation Office ang kaniyang driver’s license.

Katuwang ng PDEA ang LGU sa pag-identify sa barangay ng driver na nagpositibo sa drug testing para sumailalim sa intervention program ng barangay. Saka lang makukuha muli ng ang kanyang driver’s license sa LTO kapag nabigyan na ito ng certificate mula sa barangay na nakapag-comply na ito sa intervention.

Kapag ang isang driver naman ay nag-negatibo sa drug testing, bibigyan ito ng sticker ng PDEA na ikakabit sa kanilang tricycle bilang patunay na dumaan sila sa random drug testing.

Sinabi pa ni Juniller na batay sa kabuuang talaan ng TODA sa Subic, umaabot ito sa 2,000 miyembro kung kaya hindi nito kakayanin sa loob ng isang araw at magsasagawa muli ito ng panibagong surprise drug testing para sa natitira pang ilang miyembro.

Katuwang ng PDEA sa Oplan Harabas ang Subic LGU at police station, Zambales Provincial Highway Patrol Team, Olongapo LTO at LTFRB 3.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here