Home Headlines DOT: Mga tour guide inilagay ang Bulacan bilang isang ‘living library’ ng...

DOT: Mga tour guide inilagay ang Bulacan bilang isang ‘living library’ ng kasaysayan, kulinarya

332
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tinagurian ng Department of Tourism (DOT) ang Bulacan bilang isang ‘living library’ ng kasaysayan at kulinarya.

Nagbunsod ito dahil sa malalim na dedikasyon ng mga tour guides na nagpepreserba at nagpapalaganap ng mga kwento sa bawat pook, at pagkaing inihahain sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan.

Iyan ang tinuran ni DOT Regional Director Richard Daenos sa pagbubukas ng apat na araw na 13th National Tour Guides Convention na ginanap sa lungsod ng Malolos.

Malaki aniyang bahagi ang kwento sa pagkain upang mas maintindihan ng isang turista ang kasaysayan ng isang lugar. P

angunahing halimbawa rito ang bangkete o ang unang State Banquet na idinaos sa gabi nang pasinayaan ang Pilipinas bilang isang Republika noong Enero 23, 1899 sa sesyon ng Kongreso ng Malolos sa loob ng simbahan ng Barasoain.

Pinangunahan ni Department of Tourism Central Luzon Regional Director Richard Daenos ang pagbubukas ng 13th National Tour Guides Convention sa lungsod ng Malolos kung saan binigyang diin niya na naiposisyon ng mga dedikadong tour guides ang Bulacan bilang isang ‘living library’ ng kasaysayan at kulinarya. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaya’t nararapat na tikman ang pagkain upang mabaliktanawan ang kasaysayan, dagdag pa ni Daenos.

Dito sa Malolos, pinasimulan ng Bistro Malolenyo noong mga unang bahagi ng dekada 2010s ang paghahain ng mga pagkaing natukoy sa mga batayang pangkasaysayan na naging paborito ng mga pangunahing bayani ng bayan.

Binisita ito ng mga delegado ng convention na matatagpuan sa Kamistisuhan District. Ilang lakad lamang ito sa mga bahay ng mga Kadalagahan ng Malolos.

Sila ang sinulatan ni Dr. Jose P. Rizal dahil sa katapangang magpatisyon na makapag-aral sa panahon na hindi isang karapatan ang magpahayag ng saloobin.

Nagbunsod ito upang masimulan na isulong ang Bulacan na bukod sa pagiging historical and cultural destination, ay maging bagong destinasyon sa larangan ng kulinarya.

Ipinaliwanag ni Central Luzon Tour Guides’ Association President at 13th National Tour Guide Convention Chairperson Angelo Paulo Chico Orante na hindi na lamang sa mga ‘sightseeing’ nakokontento ang mga turista, ang hinahanap na nila sa mga panahong ito ay ang karanasan sa isang lugar kung saan sentro ang pagtikim o pagkain ng lokal na lutuin.

Naging malaking pagkakataon ang convention na ito ng nasa mahigit 300 na mga tour guides na nagtipuntipon sa lungsod ng Malolos upang maiparanas at maipatikim sa kanila ang mga katutubong pagkain at lutuing Bulakenyo sa pamamagitan ng pagpapakilala sa tinaguriang ‘Limang Lasa ng Bulacan’.

Ito ang limang food tourism circuits na binuo ng Central Luzon Tour Guides’ Association na ngayo’y itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pakikipagtulungan ng Tourism Promotions Board ng DOT.

Kinabibilangan ito ng Lasang Katubigan, Lasang Kabayanan, Lasang Kalinangan, Lasang Kaunlaran at Lasang Kabundukan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here