Bukod sa pagmultahin, dapat ikulong din

    3712
    0
    SHARE
    Ano ’t sa kabila nitong tubong-lugaw
    na kita ng ibang ‘gasoline station’
    Ay nagagawa pa rin nilang mangotong
    sa mga consumer nila sa maghapon

    Tulad na lang nitong nahulian sila
    ng anila’y metrong dinoktor kumbaga,
    Yan ba’y makataong gawa riyan ng iba
    sa kapwa para lang kumita ng ekstra?

    Kung may ebidensya’t sapat na batayan
    itong diumano ay nakahuli riyan
    Sa isang mapangotong na gasolinahan,
    isumbong kaagad upang makasuhan.

    Kasi, bukod pa sa yan ay malinaw na
    pagnanakaw at grabeng pangloloko pa,
    Yan ay maituturing din namang Estafa,
    na may kaukulang parusa at multa.

    Kung saan kabilang yan sa form of deceit,
    na nasasaad sa Article 318,
    Ng Revised Penal Code; at di lng penalties
    ang parusa nga riyan kundi pagkapiit.

    Di pa nakuntento itong walanghiya
    sa soaring price hike na kadalasa’y bigla,
    Ano’t nagagawa pa nilang mandaya
    gayong sila rin ay tumatabo na nga?

    Maliit pa ba ang sila ay kumita
    ng triple halos kung itong gasolina,
    Krudo at iba pang uring enerhiya
    ay lagi’t-lagi nang pamahal sa tuwina?

    Natural lamang kung sila’y may stock d’yan
    nitong ano pa mang bagay na naturan,
    Kapag itinaas nang hating-gabi yan,
    tubong lugaw sila kinabukasan lang.

    Kaya ano pa nga bang maituturing
    ang pinaggagawa riyan ng tusong matsing,
    Kundi malinaw na panloloko sa’tin
    at kawalang takot sa batas din natin?

    Kaya di sapat na sila’y multahan lang
    at i-calibrate ang mga metro din n’yan,
    Dahil pagkatapos makapagbayad yan
    ay malilibre na sa pananagutan.

    Maliban sa multa, saka pagkakulong
    ang dapat na maging parusa sa ganun,
    Ay kinakailangan din namang maputol
    pati na prangkisa riyan ng mga gunggong.

    Kasi nga’y posibleng maulit, kabayan
    ang panloloko sa atin ng mga yan,
    Kapag ito ay di natin na-aksyunan
    at di nagawan ng marapat na hakbang.

    Pasasaan ba at hindi madadala,
    kung bukod sa multa’y makukulong pa nga
    Itong sino pa mang manloko sa kapuwa
    o sa motorista ay manamantala?

    Di lingid sa mga kinauukulang
    ahensya ng ating gobyerno, kabayan
    Kung sinu-sino ang kapural ng ganyan,
    aywan lang kung bakit pinababayaan.

    O nang dahil na rin sa nasusuhulan
    at palaging busog ang mga tikbalang,
    Na wala na yatang ginawa sa buhay
    kundi lumamon ng di pinagpaguran?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here