LUNGSOD NG MALOLOS—Inihain ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon kay Pangulong Benigno Aquino III ang siyam na puntong pangunahing solusyon sa rehabilitasyon ng rehiyon kamakailan.
Ito ay matapos manalasa ang magkasunod na bagyong Pedring at Quiel na naghatid ng pinsalang umaabot sa P9-bilyon batay sa inisyal na ulat ng Office of the Civil Defense Region III (OCD-III), samantalang umabot naman sa 41 katao ang iniulat na nasawi sa rehiyon.
Ang siyam na panukala ng RDC na tinaguriang priority rehabilitation intervention ay ang mga sumusunod:
• Pagrebisa at pagbuhay sa Phase 2 at 3 ng Pampanga Delta Development Project (PDDP);
• Pagbuo ng lupon para sa Pampanga River Basin committee na siyang mangunguna at mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga development interventions;
• Mabilisang implementasyon ng Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project Phase-3 (PHUMP-3);
• Mabilisang pagpapatibay at pagbibigay ng pondo sa Disaster Risk Reduction Climate Change Adaptation (DRRCCA) interventions sa mabababang lugar sa Bulacan at Pampanga;
• Pagkakaroon ng iisang dam management protocol ng National Irrigation Administration (NIA), National Power Corporation (Napocor), National Water Resources Board (NWRB), at ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa);
• Pagpopondo at pagpapalawak ng serbisyo ng Flood Forecasting and Warning System na dati ay tinatawag na Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC);
• Pagbibigay ng pondo sa mga pamahalaang lokal para sa pagpapatayo ng mga akmang evacuation centers sa mga lugar na hindi delikado;
• Pagpapabilis ng implementasyon ng Tarlac River Improvement Project, Western River Basin Flood Control Project, Dinalupihan-Hermosa-Lubao Flood Control Project, at Central Luzon Link Expressway;
• Mainstreaming ng climate change mitigation and adaptation program sa mga pamahalaang lokal.
Ayon kay Mayor Oscar Rodriguez ng Lungsod ng San Fernando sa Pampanga, lubhang mahahalaga ang mga nasabing proyekto bilang tugon sa katatapos na kalamidad.
Si Rodriguez ang tagapangulo ng RDC at ng League of Cities of the Philippines (LCP).
Ang RDC ay nagsagawa ng isang biglaang pulong sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa bakuran ng kapitolyo sa lungsod na ito noong Miyerkoles kung saan ay dumalo si Pangulong Aquino.
“Mr. President, sana po ay mapondohan agad at masimulan din agad ang mga priority rehabilitation interventions na ito,” ani Rodriguez.
Ngunit para sa Pangulo, pag-aaralan pa nila ang mga nasabing proyekto.
Iginiit naman ni Gob. Wilhelmino Alvarado ng Bulacan na ang mga nasabing interbensyon ay lubhang kailangan upang muling makabangon ang malaking bahagi ng rehiyon na nasalanta ng baha hatid ng magkasunod na bagyo.
Iniulat naman ng OCD-III na umabot sa P8.4-bilyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa agrikultura sa rehiyon samantalang ang nasa imprastraktura ay umabot sa P652-milyon ang inisyal na halaga ng napinsala.
Bukod dito, iniulat din ni Josie Timoteo, ang direktor ng OCD-III na umabot sa 41 katao ang nasawi sa rehiyon dahil sa magkasunod na bagyo na naghatid ng baha.
Sa hanay naman ng mga kabahayan, sinabi ni Timoteo na umabot na sa mahigit 2,399 bahay ang tuluyang nasira sa rehiyon sanhi ng malakas na hanging hatid ng magkasunod na bagyo.
“The region needs immediate intervention now,” ani Timoteo.


