Headlines
Hubo’t hubad na protesta sa Maguindanao Massacre
by Rommel Ramos
MALOLOS CITY—Naked protest!

Ito ang buod ng isinagawang oblation run ng mga kasapi ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity sa Bulacan State University (BulSU) sa lungsod na ito noong Miyerkoles bilang pagkondena sa Maguindanao Massacre at panawagan para sa mapayapang halalan sa lalawigan sa susunod na taon.

Kabilang sa 20 kalalakihang tumakbo ng hubot-hubad sa loob ng 20 minuto ay mga kasapi ng APO mula sa BulSU, Far Eastern University (FEU) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) na matatagpuan sa Maynila.

Ang oblation run na sinaksihan ng libo-libong mga estudyante ng BulSU  ay taunang isinasagawa ng Epsilon Kappa BulSU Chapter ng APO sa loob ng naturang pamantasan bilang bahagi ng pagkakatatag ng BulSU na ngayon ay 105 taon na.

Ang mga lumahok sa oblation run ay tumakbo ng walang saplot mula sa tanggapan ng fraternity sa gitna ng tilian ang mga mag-aaral, pagkatapos ay tumigil sila sa BulSU Heroes Park kung saan ay inawit ang kanilang himno at nagbalik na muli sa kanilang tanggapan.

Ayon kay Adonis Paghunasan, grand chancellor ng Epsilon Kappa ng APO sa BulSU, nais ipabatid sa gobyerno ang kanilang panawagan para sa madaliang pagresolba sa Maguindanao Massacre kung saan ay 57 katao ang pinaslang kabilang ang 30 mamamahayag noong Nobyembre 23.

Bukod dito, hiniling din ng mga mag-aaral na mabigyang katarungan ang walang habas na pagpatay sa iba pang mga mamamahayag sa bansa.

Hinggil naman sa papalapit na halalan, nanawagan din sila para sa patas, tapat at payapang halalan.

Binigyang diin ni Paghunasan na hindi na dapat maulit ang kontrobersiya tulad ng Hello Garci scandal noong 2004 elections.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Paghunasan na kaugnay ng ika-30 anibersaryo ng APO magsasagawa ng katulad na oblation run sa ibat-ibang pamantasan sa bansa ang kanilang mga kasapi sa ika-16 ng Disyembre upang iparating ang kanilang mensahe ng pagkundena sa Maguindano Massacre at patas na halalan.

Ang oblation run ay sinimulan sa University of the Philippines, at ginaya ng mga mag-aaral ng BulSU simula noong 2006. 



 
 
  Print Article Email this article