Today's Punto
Today's Punto
Headlines
Tigil gulo sa kapitolyo

Mar 12, 2010

LUNGSOD NG MALOLOS—Muling natigil ang gulo sa pulitika sa kapitolyo matapos maglabas ng utos ang Korte Suprema na si Gob. Joselito Mendoza ang manunungkulan bilang punong lalawigan sa loob ng isang linggo.

Ito ay isang araw matapos magsimulang manungkulan si Gob. Roberto Pagdanganan at magsimulang mag-opisina sa Gat Blas F. Ople Buiding sa loob ng bakuran ng kapitolyo.

Samantalang si Mendoza ay nanatili sa loob ng pangunahing gusali ng kapitolyo kung saan idinikit ng mga tauhan ng Commission on Elections (Comelec) ang writ of execution na tinanggihang tanggapin ng mga opisyal ng kapitolyo.

Ang writ of execution na inilabas ng Comelec noong Biyernes, Marso 5 ay nag-aatas sa Provincial Election Supervisor na si Abogado Sabino Mejarito na ihatid iyon kay Mendoza upang pormal itong pababain sa puwesto at bigyang daan si Pagdanganan.

Ito ay batay sa inilabas na utos ng Comelec en banc noong Huwebes ng hapon na nagsasabing si Pagdanganan ang nagwaging gobernador sa halalan noong 2007, na nag-alis naman ng kapangyarihan kay Mendoza bilang gobernador.

Ayon kay dating Gob. Josie Dela Cruz, binigyan ng Korte Suprema si Mendoza ng status quo ante order noong Biyernes ng tanghali.

Ito ay nangangahulugan na si Mendoza pa rin ang manunungkulan bilang gobernador habang pinag-aaralan ng Korte Suprema ang kaso nina Mendoza at Pagdanganan.

Nakatakdang ilabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon nito sa Martes, Marso 16.

Walang maipakitang sipi ng nasabing status quo ante order si Dela Cruz at ng tanungin ng mga mamamahayag ay sinabing nabalitaan lamang nila ang desisyon ng Korte Suprema mula sa telebisyon.

Ang nasabing desisyon ay nakumpirma naman sa naging reaksyon ni Pagdanganan na noo’y nasa loob ng Gat Blas F. Ople Building.

Sinabi ni Pagdanganan na natanggap din niya ang balita mula sa kanyang abogado na noo’y nasa Maynila.

“This is a temporary setback, at iginagalang ko ang desisyon ng Supreme Court,” ani Pagdanganan sa mga mamamahayag na dumalo sa isang press conference na madaliang ipinatawag.

Binatikos din niya ang abogado ni Mendoza na si Sixto Brillantes na halos alas dose pa ng tanghali noong Martes ay nagpahayag na sa telebisyon na nagwagi si Mendoza, samantalang ang pulong ng mga mahistrado ng Korte Suprema ay natapos bandang alas 2 :30 ng hapon.

“Dapat imbestigahan ng Supreme Court si Atty. Sixto Brillantes dahil lumalabas na siya ang tagapagsalita nito. “It’s an insult to the integrity of the Supreme Court,” ani Pagdanganan.

Pagkatapos humarap sa mga mamamahayag ay ang mga taga-suporta naman ang hinarap ni Pagdanganan at pinakiusapang umuwi bilang paggalang sa desisyon ng Korte Suprema.

Dahil dito, humupa ang tensiyon sa bakuran ng kapitolyo, dahil ilang oras lamang ay nagsimula na ring mag-uwian ang mga taga-suporta ni Mendoza na nagtipon sa harap ng pinto ng kapitolyo.

Noong Lunes ng hapon, tumaas ang tensiyon sa pagitan ng dalawang grupo matapos lumapit sa kinalalagyan ng mga taga suporta ni Mendoza ang mga taga suporta ni Pagdanganan.

Agad naman namagitan ang pulutong ng mga unipormadong pulis at walang naganap na kaguluhan dahil sa nakumbinse ang mga taga suporta ni Pagdanganan na magsibalik sa harap ng Tanghalan ng Sining at Kultura sa may mini forest park kung saan sila dating nagtitipon.



Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions