Today's Punto
Today's Punto
Headlines
Dahil sa El Niño, animal bite cases tumaas
By Rommel Ramos

Mar 12, 2010

MARILAO, Bulacan – Dahil sa sobrang init ng panahon ay tumataas ang bilang ng mga nakakagat ng mga aso at pusa sa Bulacan.

Naitala ang halos 30 bilang ng kagat ng aso at pusa sa isang Animal Bite Clinic sa bayang ito kamakalawa.

Ayon kay Dr. Juvy Aguilar, manggagamot sa Marilao Animal Bite Clinic, mula buwan ng Enero hanggang pagpasok ng Marso ay halos isang libong kaso na ng animal bite ang kanilang nabigyang atensyon.

Aniya, inaasahan pang tataas ang bilang nito ngayong buwan ng Marso dahil sa bukod sa papainit ng papainit ang panahon ay magbabakasyon pa ang mga estudyante.

Ipinaliwanag ni Dr. Aguilar, na kung mainit ang panahon ay tila mga taong mainitin ang ulo ng mga aso at pusa.

Dahil aniya sa sobrang init ay hinihingal ang mga aso at pusa kayat nagiging iritable ang mga ito at maging ang mga nag-aalaga ay nakakagat nito.

Aniya, ilan ito sa mga dahil kung kaya idineklara bilang rabies awareness month ang  buwan ng Marso sapagkat tumataas ng hanggang 50 porsiento ang mga animal bite cases sa ganitong panahon.

Ayon naman kay Michael Layla isang residente ng Barangay Loma de Gato sa bayang ito hinihimas lamang niya ang aso ng kaniyang amo ng bigla na lamang siyang sakmalin nito sa kanyang kanang kamay.

Ayon kay Dr. Aguilar, category 3 ang tinamong sugat ni Layla at kinakailangang mabigyan ng agarang atensyon upang hindi na ito lumala pa.

Kaugnay nito, ay nagsagawa naman ng libreng pagbabakuna sa mga aso sa bayan ng Marilao si Marilao Municipal Councilor Allan Aguilar.

Ayon kay Kon. Aguilar, magmula noong buwan ng Enero ay nagsagawa na sila ng libreng anti-rabies vaccine sa mga aso sa kanilang bayan upang maiwasan ang posibleng kamatayan dala ng rabies na umaakyat nga ang bilang kapag buwan ng Marso.

Sa loob ng halos tatlong buwan na pagbabakuna ay umaakyat na aniya sa 3,000 bilang ng mga aso ang kanilang nabigyan ng anti-rabies vaccine.

Napapansin din umano ni Kon. Aguilar na balisa ang mga aso kapag mainit ang panahon kaya’t maging ang kanilang mga amo ay nakakagat nito.

Panawagan ni Kon. Aguilar na sa sandaling makagat ng aso ay agad na magtungo sa ospital upang malapatan ng lunas sa halip na magtungo sa mga magtatawak o magtatandok.

Ang rabies aniya ay hindi magiging sanhi ng kamatayan kung ito ay agad na malalapatan ng karampatang lunas sa tamang panahon.




Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions