Today's Punto
Today's Punto
Headlines
'NATALONG' MAYOR UUPO
San Jose del Monte binalot ng tensiyon
By Dino Balabo

Sep 11, 2009

MALOLOS CITY—Binalot ng tensiyon ang Lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) sa Bulacan kahapon matapos ideklarang panalo ng Commission on Elections (Comelec) ang isang natalong kandidatong mayor sa halalan noong 2007.

Ito ay 15 araw matapos manumpa sa tungkulin bilang alkalde si Vice Mayor Rey San Pedro matapos pumanaw si Mayor Eduardo Roquero noong Augosto 24.

Ang naghahabol naman sa posisyong hawak ni San Pedro ngayon ay si dating Presidential Adviser on Agricultural Modernization Angelito Sarmiento.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Sarmiento na inilabas na ng Comelec en-banc ang isang resolusyon noong Martes, Setyembre 8 na nagsasabing nanalo siya sa election protest na inihain matapos ang halalan noong 2007.

Ang desisyon ng Comelec ay nagpawalang bisa sa proklamasyon ng yumaong si Roquero bilang alkalde ng SJDM noong 2007.

“It’s a vindication for me,” ani Sarmiento at iginiit na, “it only shows, hindi ako iniwan ng tao.”

Matapos matanggap ang kopya ng resolusyon ng Comelec noong Martes, sinabi ni Sarmiento na nanumpa siya kay Senate President Juan Ponce Enrile noon ding araw na iyon bilang paghahanda sa kanyang paghawak ng posisyon bilang alkalde noong Miyerkoles.

Ngunit noon pa lamang gabi ng Martes ay binarikadahan na ng mga dump truck ang mga daan papasok sa city hall ng SJDM.

Ayon kay Danilo Armildez, isa sa mga tauhan ni Sarmiento, hindi nila malaman kung sino ang nag-utos na barikadahan ng mga trak ang paligid ng city hall.

Ngunit sa panayam ng PUNTO sa telepono kay Sarmiento, tinukoy niya si San Pedro at sinabing “nakakalungkot dahil parang ayaw na niyang bumitaw.”

Ilang beses na tinangkang kunan ng pahayag ng PUNTO si San Pedro sa pamamagitan ng pagtawag sa kanyang cellular phone ngunit hindi ito sumagot.

Sa halip isang tauhan niya ang sumagot at sinabing nakikipagpulong pa si San Pedro na isang dating konsehal na naging katambal ni Sarmiento sa kandidatura sa ilalim ng bandila ng Lakas noong 2007.

Si Sarmiento na nahalal ng tatlong beses bilang kongresista ng ika-apat na distrito ng Bulacan ay siyang umakda ang panukalang batas para sa kumbersiyon ng SJDM sa pagiging lungsod noong 2000.

Noong 2004, kumandidato siya bilang alkalde ng SJDM at nagwagi, samantalang si Roquero ay nanalo bilang unang kinatawan ng lone district ng SJDM noong taong iyon matapos mahalal na alkalde sa loob ng tatlong termino.

Noong 2007, nagsagupaan sa pagka-mayor sina Sarmiento at Roquero, ngunit ang idineklarang panalo ay si Roquero na tumakbo sa ilalim ng bandila ng Kampi matapos ang halos isang linggong pagbilang sa boto na namarkahan ng mga protesta at bomb threat.



Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions