Today's Punto
Today's Punto
Opinion
Huwad na kasarinlan ang ating ipinagdiriwang
By Felix M. Garcia

Jun 07, 2018

MALAYA na nga ba itong Inangbayan
sa mapang-aliping kuko ng dayuhan?
Masakit tanggapin ang katotohanan,

huwad pa rin hanggang sa kasalukuyan!

Pagkat hanggang ngayon ang mga anino
ni Felipe, ni Sam, Yamashita Tomo
ay nasa likod pa rin ng enteblado
at dinidiktahan ang ating gobyerno.

Kasama ang iba pang sobra ang galing
na European Union, na nakisawsaw din
sa isyu ng EJK dito sa atin,
na ‘unsolicited’ at di dapat gawin.

Kung saan pati na rin ang pulitikal
na aspeto at pamalakad sa bayan,
sila pa rin ang kumukumpas kay Juan
sa lahat ng kanyang nais ipairal.

Dapat bang pati ang pagpatalsik sa’ting
‘chief justice’ tangkaing panghimasukan din
at pintasan ng mga ‘anak ng teting’
ang hatol ng mga mahistrado natin?

Ano sa akala n’yan sa Filipino,
inutil at walang alam gawing wasto?
Tayo’y may sariling batas at gobyerno,
sa ibabaw ng ating sariling mundo.

Pero sa kabila nga nitong lahat na
nang makatao at uring demokrasya
na pamamahala, pumapapel sila
para alipinin sa ibang sistema.

At kung saan ang Commission on Human Rights
ina-asuwang upang ang simpatya’t lahat
nitong kay Duterte r’yan nagtutulak
na ma-’ousted’ siya maisagawa agad?

Kaya papaano natin masasabi
na tayo nga’y tunay nang nagsasarili
ngayong sa kaliwa’t kanan ay parati
tayong sakal nitong aninong nasabi?

At iba pang laging sa ‘tin nakamasid
sa lahat ng oras at sa bawat saglit;
Na tunay namang sa lahat ng paligid
posibleng magdulot sa’tin ng panganib.

Kahalintulad ng ating Inangbansa
ay ibong pipit na maliit, mahina
kumpara sa isang Agila’ng masiba
na higit ang laki ng taglay na tuka.

Ganun din itong sa Scarborough Shoal
at kung ano itong tunay na intension
ng China sa kanyang pagpapagawa r’on
nang kung anu-ano gayon atin nga ‘yon.

Di kaya posibleng iyan ay pagmulan
nang grabeng sigalot sa puntong naturan,
sakalit ipilit niyang kanila ‘yan,
na matinding banta sa ‘ting kasarinlan.

Kung saan maaring itong malalaki
at mapuwersang bansa tiyak na sasali
sa away para lang ipaglaban pati
ang ‘self interest’ nyan hangga’t maaari!



Other Articles on this Category
DISCLAIMER: Views expressed in this section are those of the readers and do not necessarily reflect the editorial position of punto.com. Punto.com does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.

Before posting any comment, please read our editorial policy. Posts that do not conform to our guidelines will be deleted by the moderator.
COMMENTS
Be the first one to put a comment
Powered by:
TeamSoft Web Solutions