Today's Punto
Today's Punto
Opinion
‘Total ban’ laban sa paputok, ipinag-utos!
By Felix M. Garcia

Dec 27, 2017

BILANG pagtalima sa ipinalabas
na direktiba ng pinakamataas
nating opisyal ay inatasan agad
ng ating butihing Angeles city Dad,
(EdPam,) ang ‘Peace & Order Council’ ng siyudad
para gumawa ng aksyong nararapat.

Upang itong pag-angkat at pamimili
ng mga paputok sa Angeles city
ay ipagbawal na sa ikabubuti
na rin mismo ng taga Angeles pati
at iba pang dayo’ng dito mamimili,
ng ganyang produktong wala namang silbi.

At wala ring puedeng sa tao idulot
kundi ng pinsala kapagka’ pumutok
nang bigla ang ating hawak na paputok
na sinindihan na at kung saan halos
ang mga daliri natin ay maubos
at ikamatay ang matinding pagsabog!

Liban sa posibleng ito ay pagmulan
ng malaking sunog at kapinsalaan
sa buhay ng tao at ari-arian;
Gaano man tayo kaingat kung minsan
ang posibleng dulot ay di mapigilan,
dala na rin minsan ng kapabayaan.

At kawalan ng malasakit ng iba
sa ‘ting kapwa tao at naturalesa,
kung kaya kahit na ikapahamak pa
ng lahat, ang klase ng negosyo nila,
ay patuloy pa ring gumagawa sila
nang patago nitong bawal na paninda?

O sanhi na rin nang kung alin ang dapat
ipagbawal ang siyang hindi natutupad,
dahil kadalasan ay mistulang bulag
ang nakararaming alagad ng batas?
Dala nitong basta busog sa padulas
ay bale-wala lang ang bagay na labag?

Sa parte naman ng mga gumagawa
nitong paputok na nakapipinsala,
bakit patuloy pa’t hindi masawata
ang alam ng bawal sapol sa simula?
O basta kumita lamang ‘yan ika nga,
di baleng manganib ang buhay ng kapwa?

Dangan naman kasi itong iba nating
mga kababayan, minsan pasaway din;
At kahit batid n’yan ang ilang posibleng
ikapahamak ay bumibili pa rin;
Gayong ang posible na maaring kamtin
nitong sino pa man di lingid sa atin.

Napapanood nating pare-pareho
sa TV at napabalita sa dyario
itong kung ilan ang naputukan mismo
ng napakalakas na paputok na ito,
kaya di maaring sa normal na tao
di alam ang taglay na grabeng peligro

Nitong halos lahat ng klaseng paputok
na bawal at sadyang ipinag-uutos
ang paggawa, pati na ang pamumudmod
ay itigil na nga rin base sa utos
ng ating Pangulo… at di lang ang lungsod
ng Angeles itong sa ‘order’ sumunod.

Kundi ang nasabing lungsod ang nanguna
(yata sa Pampanga) sa pag-’ban’ kumbaga
sa pag-angkat nitong bawal at pagtinda
ng ‘fi recrackers,’ puwera lang itong iba pa
na kagaya nitong ‘pyrotechnics’ saka
torotot at ilang sa DON’TS di kasama!



Other Articles on this Category
DISCLAIMER: Views expressed in this section are those of the readers and do not necessarily reflect the editorial position of punto.com. Punto.com does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.

Before posting any comment, please read our editorial policy. Posts that do not conform to our guidelines will be deleted by the moderator.
COMMENTS
Be the first one to put a comment
Powered by:
TeamSoft Web Solutions