Today's Punto
Today's Punto
Opinion
Diwa ng himagsikan
By Bong Lacson

Oct 26, 2017

ISANG MADUGONG pakikibaka tungo sa pagbagsak ng naghaharing uri. Ito ang klasikong bigay-kahulugan sa katagang rebolusyon o himagsikan.

Kahulugan na umusbong mula sa pagkalas sa Inang Inglatera ng 13 nagkaisang kolonya ng Amerika noong 1776, at sa pag-aklas sa Pransiya laban kay Louis XVI noong 1789.

Naging modelo rin ng klasikong kahulugan ang himagsikang Sobyet ni Lenin noong 1917, ang digmaang sibil sa Tsina noong dekada ’40- ‘50 na pinagwagian ni Mao, at ang tagumpay ni Castro at Guevara sa Cuba noong 1959.

Hindi natatapos ang himagsikan sa pagbagsak ng naghaharing uri. Sa kaisipang Marxista-Leninista-Maoista, nakaukit ang pangangailangan ng isang patuloy na himagsikan, kaipala’y upang harangin ang likas na pagnanasa ng mga ibinagsak na makabalik muli sa poder at sa rurok ng pamamahala sa estado. Sa wikang Ingles: the need for a continuing revolution to block counter-revolution by the reactionary forces, both foreign and home-grown.

Ang reaksyonaryong puwersa ang pinakamasidhing kalaban ng himagsikan.

Ito ang sagabal na bibigo, sisilat o kikitil sa kaganapan ng tagumpay ng himagsikan: ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng masa.

Na matutupad lamang kung ang liderato ng pamahalaan ay manggagaling mismo sa kanilang hanay.

Suriin natin ang ilang aspeto ng kasaysayan.

Hindi natapos ang himagsikan sa Amerika nang isuko kay Washington ni Cornwallis ang lahat ng puwersang Ingles sa Yorktown, Virginia noong 1781 gayong ganap nang naglaho ang tangan ni George III sa 13 nagkaisang estado.

Bagama’t itinadhana ng Declaration of Independence ng mga estadong ito na ang lahat ng tao ay nilalang ng Diyos na pantaypantay, hindi kasali dito ang may 650,000 aliping Itim, 250,000 aliping bayad-utang, at 300,000 katutubong Amerikano o Indian na noo’y naninirahan sa mga kolonya.

Pati na ang mga kababaihan ay hindi sakop ng pahayag ng kasarinlan.

Kinailangan pa ang Emancipation Proclamation ni Lincoln at ang digmaang sibil noong 1861-1864 o kulang-kulang 100 taon mula Himagsikang 1776 upang mapalaya ang mga Itim sa pagka-alipin.

Kinailangan pa ang martsa ni Martin Luther King at ang kanyang talumpating I Have a Dream sa Washington, D.C. noong 1963 o 100 taon na naman mula kay Lincoln upang maging ganap ang pagsasa-batas ng kalayaan ng mga Itim at maging kapantay ng mga Puti sa mga karapatan.

Ang kada-100 taon na mga kaganapan na yaon ang maituturing na milestones in the continuing revolution sa Amerika.

(Na masasabing nagkaroon ng sukdulang kaganapan sa pagkahalal kay Obama bilang unang Itim na pangulo ng Estados Unidos noong 2008).

Iba naman ang kinahinatnan ng himagsikan sa Pransiya.

Pinugutan ng ulo si Louis XVI at kanyang reynang Marie Antoinette.

Ang mga naghahari at nagpaparing uri – monarkiya at simbahan – ay binawian ng poder, ari-arian, pati na rin buhay.

Burgis

Sa pagkawala ng aristokratang hanay, uring burgis ang namayani, naghari at nang-api sa masang Pranses. Ginipit ang mga unyong manggagawa, sinupil ang karapatan ng mga maliliit at tuwirang nilapastangan ang adhikain ng himagsikan – liberte, egalite, fraternite.

Naghari ang lagim, namayani ang sindak sa reign of terror – na kumitil sa buhay ng daan-daang mamamayan mula sa iba’t ibang sector ng lipunan.

Sumiklab ang pagaalsa at malawakang kaguluhan na nagbigay daan sa isang golpe militar na nagbunga sa pagbulusok ni Napoleon Bonaparte na siyang nakapagpatahimik sa bansa at nagpanumbalik sa monarkiya sa pamamagitan ng kanyang pagkorona sa kanyang sarili bilang emperador.

Si Lincoln at Napoleon, pati na rin sina Lenin, Mao at Castro – magkakaiba ng pananaw, paninindigan, pamamaraan at landasin subalit lahat sila’y tinaguriang mga bayani ng kasaysayan dahil sa kanilang kahalagahan sa critical moment sa buhay ng kanilang bansa.

Ito ay ayon sa Kanluraning kaisipan na pinasikat ni Arnold Toynbee sa kanyang A Study of History. Tunghayan naman natin ang sarili nating kasaysayan.

Sa isang talata ng kanyang epikong Bayang Malaya ay ipinaloob ni Ka Amado Hernandez ang kasaysayan ng Pilipinas: “Nagsuot ng kalmeng bigay ng Espanya, kalmen nang lumaon ay naging kadena. At itong Amerika na bagong katoto ang dala’y de-lata, laya ang kinuha, ininom ang bayang parang Coca-Cola.”

Isang naunsyaming rebolusyon ang Himagsikang 1896 dahil bago pa man inagaw ng mga Amerikano ang tagumpay mula sa ating mga Pilipino, inagaw na ng mga ilustrado na kinatawan ni Aguinaldo ang himagsikan mula sa masa na nagpasimuno nito sa katauhan ni Bonifacio.

The Unfinished Revolution – ang palasak na pagtawag sa Himagsikang 1896 – ay nagkaroon ng kaganapan noong Setyembre 21, 1972 – ayon mismo kay Marcos, sa pagpapantasya sa kanyang batas-militar bilang isang “rebellion of the poor” laban sa naghaharing oligarkiya.

Wagas na kabulaanan, sa harap ng mapaniil na diktaduryang kanyang isinakatuparan.

EDSA

Sa EDSA noong 1986 ay ipinangalandakan din na nagkaroon na ng kaganapan ang 1896. Maliban sa pagkarambol lamang ng mga numero, ito ay isang paglapastangan sa kasaysayan.

Ang pagkakaroon ng EDSA Dos ang malinaw na patunay na wala ngang himagsikang nangyari noong 1986. At wala ring himagsikang naganap sa EDSA nitong 2001.

Hindi dahil sa walang dumanak na dugo.

Kundi dahil walang naganap na pagbabago. Lalo’t higit walang pagbuti sa antas ng buhay ng mga mamamayan.

Ang naganap ay isang rigodon lamang kung saan mukha lamang ang nagkaroon ng palitan sa liderato ng bayan.

Mula sa isang naghaharing uri, isinalin ang poder sa kanilang kauri.

Sabi nga ng aktibista noong 1986: “Kumaripas ng takbo ang lahi ni Barabas, pumalit nama’y lipi ni Hudas.”

Ano ang nagbago?

Sa panguluhan ni Gloria Macapagal-Arroyo, nakapaligid ay sabwatang militar-trapo. Wala ni anumang puwang sa pamamahala, dili kaya’y sa kaunti mang biyaya, ang mga karaniwang mamamayan, pesante’t proletaryo, silang umaklas at umalma upang mapatalsik si Estrada.

Tinungo ng rehimeng Arroyo: globalisasyon – ang bagong bihis ng imperyalismo. At ano baga ang nahita ng mga tao sa muling paghahari ng aristokrata’t oligarko sa panguluhan ni Benigno Simeon Aquino?

Tama si Mao. Ang masa, ang masa lamang ang tunay na bayani. Ito ang Asyanong paninindigan na umiiral din sa mga bansang Third World na gumigiyagis sa tindi ng kahirapan at panunupil sa mga karapatang pantao na hagkis ng mga papet na tigreng papel ng globalisasyon, ng mga berdugo ng kapitalismo, ng mga enkargado ng pyudalismo.

Ang tanong: Kailan pahahalagaan ang kabayanihan ng masa at gawing puhunan sa pambansang pamunuan tungo sa tunay na kalayaan, pagka-pantay-pantay at ganap na kaunlaran ng bayan? Sa isa pang EDSA? Gasgas at pulpol na ang kaisipang ito. Kailan pa tayo matututo?

Bulaang Mesiyas

Sa pangakong pagbabago, kapit-bisig at taas-kamaong binalikat ng masa tungo sa panguluhan si Rodrigo Duterte. Hindi lamang kaganapan ng 1896 ang ipinagdiwang sa tagumpay nito, ang ipinangalandakan ay ang mismong pagdating ng mesiyas na tutubos sa Pilipinas!

Subali’t sa loob lamang ng unang taon ng panunungkulan ni Duterte, hindi manunubos kundi mang-uubos ang bumulaga sa sambayanan – ang ipinagbunying mesiyas, kaipala’y may sayad na Herodes sa walang pakundangang pagpapatay sa mga inosente’t walang malay.

Sa kanyang mga pangakong napako, bunton ng sisi’y sa iba’t ibang tao – mula sa pinaka-abang tsuper hanggang sa mga pinagpala sa lipunan, ang mga may tangan ng kalakal, media, at simbahan. Sa kanyang walang katapusang kapalpakan, hagkis ng mura’t panlalait ay sa kabi-kabilang dako – mula Amerika hanggang EU at UN.

At upang ganap na mapagtakpan ang iwing kahinaan, imbing kawalang kakayahan sa panunungkulan, pumapailanlang ngayon – mula sa kanyang tsuwariwariwang lumpen na kawan – ang sigaw ng Revolutionary Government.

Muli, ito’y isang panghahablot kundi tuwirang pagnanakaw sa tinig ng kasaysayan – “Sigaw ng Bayan: Himagsikan!”

Revolutionary Government? Sino ang patatalsikin? Sino ang magpapatalsik?

Si Duterte ang kasalukuyang naghahari. Si Duterte ang muling maghahari.

Hindi lamang ito isang kontradiksyon. Ito ay kahangalan. Ang golpe de estado na maniobra ni Marcos sa kanyang martial law, golpe de gulat ni Duterte ngayon sa kanyang revolutionary government kuno.

Ay, di baga’t diyos-diyosang sinasamba nga ni Digong si Macoy?

Wala kay Duterte ang himagsikang Pilipino. Pagtibayin ang puso, kasama. Tungo sa panibago at pina-igting na pakikibaka.

(Isinapanahong salin sa pinaglumaang yugto ng kasaysayan, hawi sa lukut-lukot na pahina ng dyaryong dating pinagsulatan, petsang Pebrero 19, 2001.)




Other Articles on this Category
DISCLAIMER: Views expressed in this section are those of the readers and do not necessarily reflect the editorial position of punto.com. Punto.com does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.

Before posting any comment, please read our editorial policy. Posts that do not conform to our guidelines will be deleted by the moderator.
COMMENTS
Be the first one to put a comment
Powered by:
TeamSoft Web Solutions