Today's Punto
Today's Punto
Headlines
SA KABILA NG WARNING NI DUTERTE
Kadamay hindi aalis sa inokupahang mga bahay
By Rommel Ramos

Mar 16, 2017

PANDI, Bulacan --- “Hindi kami aalis!”

Ito ang paninindigan ng mga miyembro ng Kadamay na sapilitang inokupa ang mga housing areas noong nakaraang Linggo sa bayang ito.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng Pangulong Duterte na mananagot sa batas ang mga sapilitang nag-okupa sa Pandi.

Ayon kay Sandra Aparil, nanawagan sila kay Duterte na pagbigyan na sila sa pabahay dahil ito lamang daw ang kanilang masisilungan.

Hindi naman daw sila naging bayolente at paulit-ulit na lamang daw sila sa kanilang panawagan na sana ay magkaroon sila ng bahay. Sana daw ay bigyan na ni Duterte ang tugon ang kanilang hinaing.

Nagawa na daw nila ang lahat at ilang beses na silang dumulog maging sa Malacañang.

Ayon pa sa ilang Kadamay members, aminado silang hindi dumaan sa proseso ang kanilang papel dahil nagsawa na sila sa pakikipagdayalogo kaya’t dinaan na nila sa ganitong paraan para magkaroon ng katuparan ang kanilang pangarap na magkabahay.

May hinala nga ang ilan sa kanila na hindi ipinaparating ng mga opisyales ng Malacañang ang tunay nilang kalalagayan kaya’t nakapagsalita ang Pangulo na ang ginawa nila ay “anarkiya.”

Sa katunayan, sa ngayon ang ilan sa Kadamay members ay mayroon nang inilagay na hanapbuhay sa bahay-bahay gaya ng pagtitinda ng pagkain at ulam.

At kung idi-disperse daw sila ay naninindigan silang hindi aalis sa mga pinasok nilang bahay.

Tinatayang nasa 6,000 Kadamay members na ang umookupa ngayon sa ibat-ibang relocation sites sa Pandi gaya ng Pandi Residence 3, Pandi Village 2, Pedro Pio at Villa Elis.

Ayon naman sa Pandi PNP, nananatili silang nagmomonitor sa mga naturang lugar “for peace-keeping” at wala namang order sa kanila na i-disperse ang mga nagsi-okupa ng mga bahay.

Generally peaceful naman daw sa lugar at walang nanggugulo bagamat hinahayaan nila na magbarikada ang mga ito. Kung sakali naman daw na magbaba ng atas na i-disperse na ang mga ito ay susunod naman daw sila sa atas ng nakatataas sa kanila.




Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions