Di na mabilang ang Intsik at ilan pang
Dayuhang dito sa ating Inang Bayan
Ay nahulihan na ng gamot na bawal
At nitong iba pang bagay na iligal
Gaya halimbawa ng lintik na shabu,
Na sila mismo ang gumagawa nito;
Pero bagama’t ya’y mabigat na kaso,
Sa unang ‘round’ lamang mainit ang isyu.
Pagkat matapos lang ang isa o apat
Na buwan ay biglang lalamig at sukat;
At di matukoy ng mga otoridad
Pati kung nasaan ang suspek at lahat.
Kasi, kung di man n’yan pinatakas kusa
Gaya ng iba riyan na napabalita,
Malamang nilakad ng kung sinong Seng Hua
Sa nakatataas, kaya nakalaya.
Pero kung Pinoy ang siyang makuhanan
Sa Tsina ng kahit kaunting shabu lamang
Yan ay ikukulong na’t di tutulutang
Makapagpiyansa pa kahit na mayaman.
At kahit gabinlid ay baka wala na
Silang pag-asa pang maligtasan nila
Ang parusang bitay kahit na sino pa
Itong makiusap sa lider ng Tsina.
Di kagaya rito na ubod mang bigat
Ang kaso ni Seng Hua nabibili agad
Sa nakararami nating otoridad
Kaya’t lumolobo ang kriminalidad.
Bunsod na rin nitong pagkunsinti nila
Sa masamang bisyo na kung saan sila
Posibleng kumita ng limpak na pera,
Sa ikapahamak halos ng balana.
Na di na inisip ng iba marahil
Kung anong maaring idulot sa ating
Mga kabataang lubhang nahumaling
Sa ganyang bisyo sa araw na darating.
Wala, maliban sa sila ang sisira
Sa magandang kinabukasan ng bansa,
Imbes sila itong pag-asa ika nga
Ni Gat Jose Rizal bago namayapa.
Di ko ninanais sabihing inutil
Ang nakararaming mambabatas natin,
Pero ano’t di niyan mabigyan ng pansin
Ang ano pang batas na dapat likhain
Upang itong ngipin ng Saligang Batas
Ay maging matibay at lubhang matalas,
Nang sa gayon pati alagad ng batas
Na dapat tumingin ay maging maingat
Sa pag-dinig at pag-resolba ng kaso
Base sa bigat at taglay na merito,
At di sa paraang kung may pera ito
Ay napakadali nilang maabsuwelto.
Di ba natin kayang tularan ang Tsina
Na kahit kakaunti ang makuhang droga
Sa isang dayuhan kaagad bitay na
Upang di na pamarisan pa ng iba?
Kaso, pabrika na ng ‘Shabu’ ang kay Tan
Ay kayang-kaya pa nitong matakasan;
At di gaya nitong ang karampot ni Juan,
Parusang bitay sa Tsina ang hantungan!
Kaya’t sa puntong yan upang maging patas
Ang kay Juan kumpara kay Seng Hua sa batas,
Marapat lamang na bitaying patuwad
Si Seng Hua oras na sila ang lumabag!!!