Today's Punto
Today's Punto
Headlines
Rally vs. Ebdane, itinanggi ng LP
By Johnny R. Reblando

Feb 07, 2012

BOTOLAN, ZAMBALES — Mariing itinanggi ni dating Gob. Amor Deloso na sila ay nag-oorganisa ng isang malawakang kilos protesta sa Biyernes upang kondenahin ang pandarayang naganap sa nagdaang special congressional election sa ikalawang distrito ng probinsya at ang di umano’y pagpatay sa dalawang taga suporta nila.

Ito ay matapos kumalat ang isang text message na nagsasabing isang “People Power” protest ang magaganap na pangungunahan ni Deloso, anak nito na si Atty. Cheryl Deloso-Montalla, Board Member Wilfredo Pangan, Afled Mendoza at Rica Diaz-Arambulo at Iba Mayor Ad Hebert Deloso at may basbas nina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay.

Nagkalagay din sa naturang text message na mamimigay ang pangulo ng P1,000 sa mga dadalo sa naturang rally.

Matatandaang kapwa natalo sina Deloso-Montalla, Pangan, Mendoza at Diaz-Arambulo kay Jun Omar Ebdane, anak ni incumbent Gob. Hermogenes Ebdane, Jr., sa nakalipas na 2nd District congressional election na ginanap noong Febrero 4.

”Marami ang pumipilit sa akin na pangunahan o i-organisa ang rally ngunit nagdadalawang isip ako dahil madaling isabotahe ang ganyang mga pagkilos,” ani Deloso.

Sinabi pa ni Deloso na maihahalintulad ang mga ganyang pagkilos noong panahon ng rehimeng Marcos kung saan pinapasok ng mga infiltrators ang mga rally at isasabotahe na pagmumulan ng away sa pagitan ng mga pulis at raliyista.

“Unecessary loss of lives will result and I cannot allow that,” dagdag pa ni Deloso.

Ayon pa sa kanya, hinding-hindi gagawa ng aksyong ikapapahamak ng publiko ang administrasyon ni Pangulong Aquino lalo na ang pamumudmod ng pera sa isang pagkilos o rally.

“Natitiyak kong hindi gagawa ang Pangulo ng ganyan at hindi-hindi din papayag ang pamilyang Deloso because the search for justice has no price,” dugtong pa ng dating gobernador.

Ayon sa police report, namatay sa isang di umano’y shootout sa mga pulis ang bodyguard ng dating gobernador na si Cesar Maddu matapos na siya ay sitahin ng mga awtoridad habang nakahinto ang kanyang sasakyan sa gilid ng Botolan-Tarlac Road sa Brgy. Santiago, Botolan, Zambales bago mag-election.

Nang tanungin ng mga pulis kung ano ang pakay ni Maddu at 10 pa nitong kasama sa lugar, sumagot umano ito na nag-aantay sila ng bumibili ng boto at akmang bumunot ng baril na siyang nagtulak sa mga awtoridad na magpaputok.

Sa opisyal na otopsiya naman ay lumalabas na namatay si Maddu sa sakal at sa 19 na tama ng bala sa likod nito.

Ang sampung kasamahan ni Maddu ay kaagad namang pinakawalan sa kulungan noong February 4, 2012 batay sa released order na ipinalabas ni Cristobal Balangcod, Associate Prosecution Attorney ll, samantalang ang kaso ni Maddu ay ini-rekomendang ma-dismissed dahilan sa patay na ito.

Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions