Today's Punto
Today's Punto
Headlines
Dragon Boat competition, ginawa sa huling araw ng Ibon Ebun- Festival sa Candaba
By Rommel Ramos

Feb 06, 2012

CANDABA, Pampanga—Naging makapigil hininga ang huling araw ng Ibon-Ebun Festival dito kamakalawa sa pagsasagawa ng isang dragon boat competition bilang atraksyon.

Ang exhibition game na ito ay kinabibilangan ng DLSU dragon boat team, Onslaught Racing Team at Triton Dragon Racing.

Sila ang bumubuo ng Philippine Dragon Boat Federation teams na siyang lumalahok sa mga competition sa bansa pagdating sa dragon boat racing.

Ayon kay Candaba Mayor Jerry Pelayo, pangarap nila na makabuo ng sariling dragon boat team sa kanilang bayan.

Titipunin daw nila ang mga mangingisda sa kanilang bayan na siyang bubuo ng kanilang sariling racing team na siyang ipambabato nila sa mga susunod na kumpetisyon.

Aniya, taon-taon na nilang gagawin ang dragon boat racing sa Candaba river.

Kapag mayroon daw kasing ganitong activity sa kailugan ay nakikita ng mga tao ang kahalagahan ng kalikasan at naipapalaganap ang mensahe na dapat itong ingatan.

Bago ang competition ay nag-motorcade muna sa Candaba ang buong dragon boat teams.

Matapos niyon ay nagpakitang gilas na sila sa pagsagwan sa kahabaan ng Candaba River.

Tuwang-tuwa ang mga manonood dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay dinayo sila ng professional dragon boat team.

Ayon kay Alexander Dovar, team captain ng Onslaught Dragon Boat team, masaya sila na naimbitahan sila sa Candaba.

Marami na daw silang napuntahan na ilog upang sagwanan ngunit kakaiba daw ang Candaba River na may mga paliko kayat kailangan nila ng diskarte para sa dragon boat racing.

Karaniwan daw silang nagdaraos ng karera sa Manila Bay ngunit deretso lamang daw iyon ngunit paliko-liko naman ang kailugan ng Candaba.

Aniya, kikilanin ang Candaba River na isa sa mga venue para sa dragon boat racing dahil sa kakaiba ang ilog na ito at may kalinisan.

Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions